.053 beinte

Abril 27th, 2011 § Mga Puna

April 29, 1991.

Kung nag-iisip kayo ngayon kung anong importanteng happening ang nangyari nang araw na yan… kapanangakan ko lang naman :)

Sa darating na biyernes, beinte na ako. Hindi na ako teenager. Sa wakas, matanda na ako! Yun kasi ang childhood wish ko eh, natupad na rin. Pwede ko na rin gawin ang ginagawa ng mga matatatanda ;)

At dahil baby-faced ako at super kyot ko, mahirap talagang maniwalang matanda na ako. Enough of this…i’ll be serious na :)

Ayokong malaman ng mundo na birthday ko. Kaya ko nga binoblog eh haha. Wala akong pagsasabihan kundi kayo lang. Ang swerte niyo naman :) Bakit ba ayaw kong ipagkalat kahit nakalagay naman sa facebook ko? Kasi ayoko ng celebration. Ang awkward kaya. Lahat babatiin ka. Mag-eexpect na i-titreat mo sila. Pag hindi ka nang-treat o nagpa-inom, hindi ka na nila iimbitahan sa kaarawan nila. Tsaka hindi naman din talaga nila malalamang birthday mo hangga’t hindi mo sila iniinform. Alam kong pamilya ko lang ang memorized ang birthday ko…ang saklap naman kubg pati sila, hindi nila naalala.

Kaya naman hindi ako magpaparty sa biyernes. Hindi ako gagastos. Hindi ako malalasing. Walang problema katulad ng mga ordinayong araw.

Malaki rin ang pasasalamat ko kina Prince William at Kate. Sinabi ko kasi sa kanila ang problema ko. Kaya yun, sa 29 ang royal wedding. Lahat tututok sa kasal nila at malilimutan ang munting kaarawan ko.

Tsaka ko naisip, matanda na ako. Magpakasal na rin kaya ako? Kaya lang kanino?
:)

.052 sana naghintay na lang ako

Abril 7th, 2011 § Mga Puna

Gabi ng martes, kating-kati ako manood ng nakakaiyak na palabas. Nagresearch pa ako para sa isang movie na para sa marami ay nakakaiyak talaga. So kami ng pinsan ko nanood ng ‘My 11th mother’, korean movie…maganda ang story, kaya lang hindi kami naiyak at super nadisappoint ako kasi masyado nang gabi para maghanap pa ng papanooring nakakaiyak. Natulog na lang kami.

Kinabukasan, tumawag ang tatay ng pinsan kong madaldal…patay na raw and kuya ng pinsan kong madaldal…nagpakamatay daw…

Sana naghintay na lang ako ng isang araw para maiyak.

.051 Ang pinsan kong madaldal

Abril 1st, 2011 § 1 Puna

Last feb, dumating pinsan ko galing pinas para makipagsapalaran din dito sa Dubai. Masaya naman kami kaya lang, ang daldal ni cousin. Walang tigil ang bibig, kahit napag-usapan na namin ang isang bagay, babalikan na naman niya ulit para may masabi lang. Ok naman minsan eh, medyo entertaining din naman siya pero ayoko lang talaga makarinig ng paulit-ulit na bagay para lang may masabi ba.

Sa lahat ng bagay, may komento. Dakdak ng dakdak, hindi nag-iisip. Reklamo ng reklamo, ginagawa naman. Hindi ko talaga siya maintindihan minsan. Kaya siguro nabibinggi na ako, kapag andyan na kasi siya, naglalagay na ako ng earphones sa tenga at nagpapatugtog ng malakas para hindi ako mairita.

Galing siyang trabaho, magrereklamong pagod. Eh parang hindi naman siya pagod kung makapagdaldal. Full of energy, buti pa siya. Saan kaya niya nakukuha yun?

Sa pagkakakilala ko sa kanya dati, sobrang tahimik na lalaki si cousin. Walang imik. Hindi magsasabi ng kahit ano. Aba ngayon, wala namang tinago sa sarili, lahat inilabas na. Pramis, para siyang babae, dinaig pa niya ako.

Pagbigyan niyo akong magreact ng ganito dito… di ko rin naman masasabi sa kanya kasi hindi niya ako pagbibigyang magsalita.

.050 Am I Back?

Marso 26th, 2011 § Mga Puna

Miss ko nang matawag na Katy ulit kaya eto, binabalikan ko ang blog na nalimutan kong i-update ng ilang buwan. Hindi naman talaga sa nalimutan ko na ito, medyo kinatamaran lang :) Sa totoo lang matagal ko nang balak magsulat kaya lang palagi akong nawawala sa kalagitnaan ng pagsusulat. Super dami kong naiisipang isulat, nahihilo at nalolost ako sa mga ideas na naiisip ng utak ko. Naks, may laman naman pala brain ko :) Joketime.

Eto na ang pinakatotoo sa lahat ng katotohanang nabanggit ko rito, namiss ko ang sincerelykaty.wordpress.com at magbasa at magcomment sa mga favorite blogger friends ko :) yown naman…kaya hangga’t sa makakaya ko, hindi dapat ako mawala ulit ng matagal sa blogging world kasi mararamdaman ko na namang loner ako :(

So ano na ba ang pinakakaabalahan ko ngayon? Maliban sa pagdurog ng mga hearts ng mga lalaki, subsob ako magtrabaho ngayon. May gana pa akong mag part-time. Nawawala man ako ng oras sa sarili, kumikita naman ako at nakakaipon. Balak ko na rin kasi magpatuloy sa pag-aaral. Palakpakan naman diyan oh…tsaka dahil na rin nagbabalak kami lumayas na ng Dubai at lumipat sa ibang bansa. Sadly, baka hindi na kami bumalik ng pilipins. Anyway, kelangan din kasi maglabas ng malaking amount ng money for that…Naging hobby ko man ang pag-iipon, nagkaroon din ako ng bagong addiction…ang pagsscrub ng face. Hindi para pumantay face ko, ang sarap kasi amuyin ng facial scrub ko. Adik na ako. Bawal iscrub ang face araw-araw dahil baka magdry ito pero wala akong care…kung pwede lang oras-oras eh :)

Hanggang dito na muna, nag-hi lang ako sa blog ko at sa inyo.

.049 let’s talk about…nevermind

Enero 27th, 2011 § Mga Puna

Dahil isa akong batang naligaw sa mundo ng mga matatanda, marami pa akong hindi maintindihan sa mga pinaggagagawa nila. For example bakit sila nagiging awkward magsalita ng mga bastos, magmura, magsabi ng kung anumang kabalastugan kapag kasama nila ako. Madalas nananahimik na lang sila. Pero hindi nila alam, alam ko rin naman lahat ng mga gusto nilang sabihin. At pag sinabi kong alam ko, ibig sabihin nun, nagawa ko na o nasabi ko na ang mga ito. Hindi ko rin naman sila masisisi, nandito mga magulang ko. Kapag nalaman ng mga magulang ko ang mga pinaggagagawa ko, sila ang masisisi kasi sila madalas kong kasama.

Gusto ko lang naman sabihin, na kahit nananahimik ako, ok lang pag-usapan natin ang mga bagay-bagay na sa tingin niyo hindi ko alam katulad na lang ng mga malalaswang bagay. Favorite topic ko nga yun eh!! hahaha

Wala lang, gusto ko lang magdrama bago pumasok sa opis.

.048 bida sana

Enero 22nd, 2011 § Mga Puna

Naimbitahan akong bumida sa isang independent film na ipoproduce dito sa Dubai ng isang Arabo. Medyo long story kung paano niya akong nadiskubre at nacontact pero hindi ko tinanggap ang offer niya. Nagpakawala na naman ba ako ng isang opportunity? Ewan.

Sa totoo lang, ok lang akong umarte sa isang pelikula. Maarte naman talaga akong bata . Pero isa na rin ito sa mga nakikita kong pwede kong gawin sa future, ang mag-inarte. Hindi klaro sa akin ang plot ng pelikula na balak niyang gawin pero pumayag naman ako na maging bida.

Kinunsulta ko ito sa mga magulang ko, ok naman sila na every friday at saturday ang shooting, off ko naman kasi nun. Ok sila na umarte ako at ikahiya nila ako pansamantala. Hindi lang sila ok nung sinabi kong wala akong makukuhang bayad sa pag-arte ko rito. Sinabi nila kaagad sa akin na i-cancel ko na ito at wag ko nang kausapin ulit yung producer na yun.

Napagkasunduan talaga namin yun na wala akong makukuhang sweldo sa kanya. Independent nga eh, wala siyang malaking budget para dito. Gusto lang niya sumali sa susunod na film fest na gaganapin dito sa Dubai at gusto ko talaga siyang tulungan pero sabi sakin ng mga magulang ko, masasayang lang pagod at oras ko kung wala akong makukuhang pera dito. Nasa Dubai ako para kumita ng pera at hindi para maging artista. Oo, pag naging artista ako kikita rin naman ako ng pera eh, super laki pa. Pero hindi rin naman ako confident ngayon na magagawa ko ng maayos ang pag-arte ko. Marami pa akong mas kailangang gawin higit dito. Kaya for now, bye-bye producer.

Kung opportunity nga ito, sayang! Nagpalagpas ulit ako ng isa.

.047

Enero 20th, 2011 § Mga Puna

May blog pa nga pala ako. Nakalimutan ko nang magkwento dito at magkwento sa iba. Nitong mga nakaraang araw, tahimik lang ako. Hindi masyadong nagsasalita. Hindi umiimik. Hindi pa ako baliw. Hindi ko lang trip magsalita. Hindi naman din akong masalitang tao kaya hindi rin naman napapansin ng mga tao sa paligid ko.  Sa totoo lang sabik na sabik na akong magkwento pero parang hindi naman interesado ang mga tao sa mga sasabihin ko kaya wag na lang…

Bumili ako ng notebook na super mahal. Moleskine. Wala na nga akong pera, binili ko pa. Impulse buyer nga naman. Nung nasa pilipins pa ako, may exchange gift tapos yung nabunot ko gusto makatanggap ng isang moleskine na notebook. Hanap ako ng hanap sa pilipins wala akong makita…actually meron pero ang mahal, nahirapan lang talaga akong maghanap ng murang moleskine. Kaya nung nakakita ako dito, binili ko kaagad. Ang sarap sa feeling na makahanap ng matagal ko nang hinahanap. Pero nung nasa counter na at sinabi na sakin kung magkano, yun lang, bakit ko ba dinala to sa counter? Anyway, binili ko na lang para may magamit din ako.

Medyo useful naman din ito para sakin. Medyo busy na kasi ako sa work at hindi na nakakapag-internet kaya lahat ng iniisip ko, naisusulat ko dito. Lahat ng walang kakwenta-kwentang bagay tulad ng may umapak sa akin sa tren kanina, hindi marunong mag-sorry, aba sinambunutan ko nga. Pati bilang ng utot ko sa araw na yun nasulat ko pa, kinakabagan na pala ako.

Kaya siguro hindi ako masyadong nagsasalita, kasi may kausap na ako…yung notebook ko. Hindi ko pa siya nabibigyan ng pangalan pero kaibigan ko siya. Lahat ng sinasabing maganda, mura o masasakit na salita, tinatanggap lang nito at pakiramdam ko nakikinig siya sa akin at hindi niya ito malilimutan dahil nakatatak na lahat ng sinabi ko sa kanya.

Haaaay. Pag narealize mong kausap mo lang din sarili mo pag nagsusulat ka sa notebook, mapapa-haaaaay ka na lang.

.046 Hello 2011

Enero 2nd, 2011 § Mga Puna

Gusto ko sana batiin ko muna kayo ng Happy New Year! Oo, alam kong late na itong pagbati ko pero sayang ang pagkakataon haha sa facebook kasi hindi na rin ako nakabati…Anong silbi ng computer kapag walang internet? Anyway, maganda naman ang pasok ng bagong taon. Walang paputok, handa, inuman at ingay. Oh diba, ibig sabihin magiging peaceful ang 2011 ko :)

Wala kasi kaming time maghanda. Lumipat kami ng bahay at pagsapit ng bagong taon, bagsak ang katawan namin dahil sa pagod. Pero masaya naman kami sa bagong bahay namin kaya walang pagsisisi.

Madami akong inaabangan ngayon taon…nabanggit ko na ata sa mga dati kong posts pero babanggitin ko ulit. Unang-una, ang pagdating ng pinsan kong narscistic…tama ba spelling? Pangalawa, ang pag yaman ko. Wag na kayong magtanong kung paano. Lastly, bagong love story. Ewan ko ba nung magtatapos na ang taong 2010 , ang daming pahabol. Maraming naglakasan ng loob para magtapat sakin at manligaw. Nakakatawa nga timing nila eh. Kung kailan naman akong mag-uumpisang magseryoso sa buhay at mag-focus na sa mga goals ko, may mga panggulo na naman. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil kinumpleto nila ang 2010 ko…Pero sa tingin ko, hindi ko sila kailangan sa 2011 ko. Naaawa man ako sa kanila, hiniling ko na lang sa kanila na tulungan nila ako. Masaya ako at nirespeto nila ang kagustuhan ko. Malay natin, may mas magandang panahon para makasama nila ako o may mas magandang babae kesa sakin para sa kanila. Ang gulo ko noh, eh ano yung sinasabi kong bagong love story? Hindi ko rin alam pero malakas ang pakiramdam ko na sa kalagitnaan ng taong ito, magmamahal muli ako. At sisiguraduhin kong magmamahal ako ng lalaking ipagmamayabang ako, hindi ako tinatago at may lakas ng loob humarap sa mga magulang ko.

Sige na, mag-oout na ako dito sa cafe :)

.045 Maligayang Pasko

Disyembre 24th, 2010 § Mga Puna

Merry christmas sa inyong lahat~! Sana masaya kayo ngayong pasko katulad ko :) Kahit wala kaming noche buena at ham at christmas tree at gifts at boyprend na kayakap…masaya pa rin ako na kasama ko pamilya ko ngayong pasko :) Sana kayo rin~!

Sincerely,
Katy

.044 Simba

Disyembre 18th, 2010 § Mga Puna

Naumpisahan ko ang simbang gabi kasama ang pamilya ko at balak namin kumpletuhin ito. If ever mang hindi ako tamarin sa mga susunod na gabi, first time ever kong makakabuo ng simbang gabi.

Naalala ko kasi dati, bata pa ako nun, determinado akong tapusin ang simbang gabi kasama kapatid at pinsan ko. Hindi kami talaga relihiyosong pamilya dati, hindi nagsisimba tuwing Linggo. Kaya ang pakiramdam na alam mong makakatapos ka ng simbang gabi ay fulfilling para sa akin…huling araw na ng simbang gabi, nasira ang routine ko. Madalas kasing lumabas ng bansa ang tatay ko dati for business trips, eh saktong dumating siya sa huling araw ng simbang gabi. Sinundo sa airport tapos dali-dali kaming pumunta ng simbahan bakasakaling umabot sa misa… kalahati lang naabutan ko :( Grabe ang iyak ko nun. Galit na galit ako sa tatay ko. Nasayangan kasi ako. Hindi tuloy ako nakapag-wish. Yun kasi ang sabi sakin, matutupad ang wish mo pag nakatapos ka ng simbang gabi…kaya siguro determinado ako dati. Pagkatapos ng trahedyang nangyari sakin, 8 1/2 lang na simbang gabi ang natapos ko, hindi na muli ako dumalaw sa simbahan.

Ngayon, hindi ko iniisip na may matutupad na wish mo kapag nakakumpleto ka. Nagsisimbang gabi ako para magdasal. Para makinig ng mabuting balita. Para matuto. Para ma-enlighten. Para makisama sa mga iba pang nangungunilang pilipinong naghahangad ng masayang pasko ngayong taon. Puno palagi ang simbahan sa mga nakalipas na gabi at sigurado akong magpapatuloy ito sa mga susunod na gabi kahit kinabukasan may pasok, kahit mahirap umuwi, kahit napakalamig sa labas. Lahat ng pilipino dito ay naghahangad ng masayang pasko.

Sa tuwing kumakanta na ng ‘Ama namin’, laging nagfaflashback ang isang pagkakataong nagsimba ako kasama ng kapatid ko at lola ko sa SM Megamall. Sa pagkakaalala ko, Father’s Day nun. Apat na lang kami sa bahay, ako, kapatid ko, lolo’t lola ko. Hindi ko alam kung anongg nakain ko at niyaya ko silang magsimba. Nakapagsimba na lolo ko nung araw na yun kaya kaming tatlo na lang. Maraming tao ang dumalo. Mga pamilya. Naalala kong umiiyak kapatid ko nung kumakanta na kami ng ‘Ama Namin’. Naluluha na rin lola ko. Pagkatapos nun, magbibigay na ng kapayapaan…eh sabi nung pari, instead of sabihin sa mga tatay na ‘Peace be with you’, yakapin sila at sabihin sa kanila kung gaano mo sila kamahal. Doon na humagulgol ang kapatid ko. Siguro naaawa siya samin. Lahat sa paligid namin ay may tatay at masaya…samantalang kami, walang babatiing ‘Happy Father’s Day’. Masyadong naging madrama kaya pinagtitinginan kami at nagets kaagad nila kung bakit kami malungkot. Nasabi ko sa sarili ko, ‘kung nandito lang sana si lolo’. Kung nandito lang din talaga si lolo at si lola para magpasko kasama namin, mas masaya ako. Sa totoo lang, miss na miss ko na talaga sila na sa tuwing naaalala ko sila naiiyak ako.

Oh ayan, ang gulo na ng mga pinagsasabi ko. Halo-halo kasi ang nararamdaman ko ngayon. Lahat konektado pero magulo. Sa totoo lang, sa mga panahong ito, malungkot ako. Malungkot ako katulad ng ibang kabayan na nangungulila sa kanilang pamilyang naiwan sa pinas. Hindi dapat ako malungkot dahil andito pamilya ko. Hindi na dapat ako malungkot dahil dalawang linggo na lang 2011 na at lilipat na kami sa mas magandang bahay. Dapat masaya ako at excited dahil nalalapit na ang pasko. Pero hindi. Malungkot ako. At sa tuwing nagsisimba ako, mas nalulungkot ako dahil sa mga nakikita ko at naaalala ko. Kahit nalulungkot ako, lumalakas naman ang loob ko. Dahil ang mga nakikita ko sa simbahan ay mga taong kahit malungkot sila, nagawa pa rin nilang magsimba at humarap sa Diyos na kayang-kaya nilang malagpasan ang darating na malungkot na pasko. Ang mga taong nagtitiis at naghahangad. Sila ang mga taong tinitingala ko :) Sana maging matibay din ako katulad nila.

Where Am I?

You are currently browsing the katy category at by the way, i'm no katy..

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.